Nagsagawa ng online training session ang Department of Trade and Industry- Region 2 para sa mga negosyante o mga supplier na nais makilahok sa mga government procurement.
Ayon kay Atty Cyrus Restauro, Chief- Consumer Protection Division ng DTI R02 layunin nitong maituro sa mga negosyante ang mga proseso kung paano makasali sa mga government procurement, alinsunod na rin sa ‘Buy Local’ ordinance upang maipagpatuloy ang mga negosyo sa kabila ng pandemya.
Ang “procurement” ang proseso ng mabusising paghahanap ng gobyerno ng mga produkto at serbisyo kung saan sakop din nito ang pagpasok ng gobyerno sa mga kasunduan.
Nagkaroon ng diskusyon kaugnay sa proseso at pagrerehistro sa online platforms na Philippine Government Electronic Procurement Systems (Philgeps) kung saan makikita ang mga produkto at serbisyo na kailangang bilhin ng ibat-ibang ahensya ng gubyerno.
Ang webinar ay dinaluhan ng halos isan-daang kalahok na mga baguhan at datihan na sa pagsali sa proseso mula sa ibat-ibang lalawigan.
Samantala, inihayag ni Restauro na sapat ang supply ng mga local products sa rehiyon subalit problema ang demand dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards lalo na sa lungsod ng Tuguegarao na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.