TUGUEGARAO CITY – Isasagawa ang welcome party sa bawat delegasyon sa Palarong Pambansa 2019 kasabay sa paglahok ng isasagawang citywide simulated earthquake at fire drill sa Davao City, ngayong araw.

Pangungunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang pagtanggap sa mga delgado sa 17 rehiyon sa bansa na mag-uumpisa ngayong alas otso ng umaga.

Sinabi ni Ferdinand Narciso, focal person ng delegasyon ng rehiyon dos sa Palarong Pambansa na isinagawa kahapon ang surprised pre-simulated earthquake at firedrill na nilahukan ng mga delegado sa taunang sporting event.

Ipinagmalaki ni Narciso na sa halip na sila ang masurpresa, ay ikinagulat ng pamahalaang Lungsod ng Davao ang naging kahandaan ng mga delegado sa mga inihandang senaryo kung sakaling may mangyaring lindol o sunog.

Samantala, ngayong araw inumpisahan na ang laro para sa baseball boys na nagsimula kaninang ala sais ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Bukas, April 27 magtatagisan ng galing ang mga opisyales ng Department of Education at Local Government Unit ng Davao City sa paglalaro ng mga Larong Pinoy tulad ng kadang-kadang, karerahan sa sako, pilahan sa lubid at patintero.

Habang sa darating na Linggo, April 28, inaasahang pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng 62nd edisyon ng Palarong Pambansa na magtatapos sa May 4.

Dagdag pa ni Narciso na ginawang simple ang ibang mga preliminary activities tulad ng parada na magmamartsa na lamang sa oval.

Kasama sa delegasyon ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) ang Cagayanang si Lerma Elmira Bulauitan na nakilala sa galing at husay sa larangan ng palakasan sa bansa at sa ibang bansa.