Iniimbestigahan pa kung sino at kung ano ang motibo sa pagsunog sa isang wheel excavator ng isang construction company ng Woogle Corporation na sinasabing nagsasagawa ng mining exploration sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Sinabi ni PMaj Novalyn Agassid, information officer ng Nueva Vizcaya PNP, hindi na mapapakinabangan ang nasabing heavy equipment na sinunog ng hindi nakikilalang mga suspek sa Barangay Bitnung.

Ayon kay Agassid, natanggap nila ang report sa nasabing insidente nang 5 a.m. nitong December 12.

Ang wheel excavator, kasama ang 3 Pick-up at 1 Light Truck ay hindi nailabas matapos gamitin ang mga ito sa clearing operations sa daan dahil sa landslide na dulot ni Super Typhoon “Uwan.”

Sinabi ni Agassid na pinagbawalan at hindi pinayagan ng mga grupong kontra pagmimina na mailabas ang mga ito mula sa nasabing lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Ang WC ay kasalukuyang nagsasagawa ng Mining Exploration sa limang barangay ng Dupax del Norte na mariing tinututulan ng mga grupong kontra pagmimina.

Kaugnay nito, sinabi ni Agassid na nailabas na ang ilang sasakyan at back hoe na nakulong sa nasabing lugar.