Nangakong magsasampa ng counter charges ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy, laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na tinukoy niya bilang umano’y utak sa pagkawala ng 34 na sabungero mula 2021 hanggang 2022.

Sa isang panayam, sinabi ni Patidongan na maghahain siya ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) laban sa ilang mga pulis na umano’y sangkot sa kaso.

Bukod dito, inihayag din ni Patidongan ang plano niyang magsampa ng kaso laban kay Ang bilang tugon sa mga reklamong isinampa nito sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.

Kabilang sa mga kasong isinampa ni Ang laban kay Patidongan ay conspiracy to commit attempted robbery with violence, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating innocent persons.

Matatandaang itinuturo ni Patidongan sina Ang at aktres na si Gretchen Barretto bilang nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero, isang alegasyong mariing itinanggi ng dalawa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay Ang, tinangka umano siyang kikilan ni Patidongan ng halagang P300 milyon kapalit ng pananahimik nito.

Samantala, kinumpirma ng pulisya na may kinalaman ang mga nawawalang sabungero sa umano’y illegal na match fixing o pandaraya sa sabong.

Dahil dito, nasa kabuuang 15 pulis na umano’y sangkot sa insidente ang inilagay sa ilalim ng restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City habang patuloy ang imbestigasyon ng Napolcom.

Patuloy na umuusad ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero na naging isa sa mga pinakamalalaking kontrobersiya sa mundo ng sabong sa bansa.