Nilinaw ng World Health Organization (WHO) na nananatiling mababa ang banta ng hantavirus sa publiko matapos ang outbreak sa cruise ship na MV Hondius na ikinasawi ng tatlong pasahero.

Ayon kay Dr. Hans Henri Kluge, kontrolado ang sitwasyon at walang ipatutupad na travel restrictions dahil ang virus, na nagmumula sa mga daga, ay hindi madaling maipasa sa tao-sa-tao.

Sa kasalukuyan, tatlo pang indibidwal ang ginagamot habang naka-angkla ang barko sa Cape Verde para sa medical evacuation at pagsusuri.

Tiniyak ng WHO na bagaman seryoso ang sakit, sapat ang maagang pagtukoy sa mga kaso upang mapigilan ang pagkalat nito sa malawak na populasyon habang patuloy ang imbestigasyon.