Nagbabala ang mga internasyonal na organisasyon sa kalusugan sa pagtaas ng kaso ng tigdas sa Pilipinas ngayong unang limang buwan ng 2025, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon sa pinagsamang pahayag ng World Health Organization (WHO), UNICEF, at Gavi the Vaccine Alliance ngayong araw, Mayo 28, tumaas ang kaso ng tigdas sa buong Silangang Asya at Pasipiko — ang pinakamataas mula noong 2020.

Sa Pilipinas, umabot na sa 2,068 ang naitalang kaso mula Enero 1 hanggang Mayo 10.

Sa datos ng WHO, may 3,844 kaso ng tigdas sa buong 2023, habang 2,892 naman noong 2022.

Pinakamarami ang naitalang kaso sa Vietnam na umabot sa 81,691.

-- ADVERTISEMENT --

Kapareho ng Pilipinas, nakapagtala rin ang Mongolia ng 2,682 kaso at ang Cambodia ng 2,150.

Ayon kay WHO Regional Director Saia Ma’u Piukala, ang pagtaas ng kaso ay senyales ng bumababang tiwala ng publiko sa bakuna.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbabakuna upang maprotektahan ang kalusugan ng mga bata at ng buong komunidad.