Umaabot sa mahigit 80 gusali ang nasira sa wildfire sa northern Japan na nagresulta din sa paglikas ng daan-daang residente.

Ayon sa mga opisyal ng Japan, pinakilos na ang military helicopters para tumulong sa pag-apula ng apoy sa kagubatan ng Ofunato sa Iwate region.

Sinabi sa mga opisyal sa nasabing lugar, umaabot na sa 600 na mga residente ang lumikas.

Tinataya ng mga opisyal na nasa 84 na gusali ang tinupok ng apoy, na sinisikap na apulain ng Self-Defense Forces.

Inilarawan ni Mayor Kiyoshi Fuchigami ng Ofunato na malaki ang apoy kagabi, kung saan nasa 600 hectares ng lupa ang nasunog.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng alkalde na hanggang ngayon ay hindi pa mabatid kung ano ang sanhi ng nasabing sunog.

Nakapagtala ang Japan ng 1,300 wildfires noong 2023, karamihan sa mga ito ay nangyari noong Pebrero at Abril na mainit ang panahon at may malalakas na hangin.

Sinabi ni Fuchigami na mabilis ang pagkalat ng Iwate fire ngayon dahil sa malakas na hangin.