Iniatras ni Cardiologist Willie Ong ang kanyang kandidatura sa pagka-senador para bantayan ang kanyang kalusugan.
Sa kabila ng kanyang pagbawi ng kanyang kandidatura para sa eleksion sa Mayo, patuloy umano niyang susuportahan ang good governance at mga kandidato na magsusulong ng katulad na agenda.
Pinasalamatan din niya ang mga sumuporta at nagdasal para sa kanya.
Nitong buwan ng Setyembre, ibinahagi ng health advocate ang ginagawang gamutan sa kanya sa sakit na cancer.
Ayon sa kanya, may nakita ang mga doktor na 16 x 13 x 12 centimeter sarcoma sa kanyang tiyan, nakatago umano sa kanyang puso, at nasa harap ng kanyang gulugod.
Sa parehong buwan, inanunsiyo niya ang kanyang kandidatura, kung saan ang kanyang asawa na si Dr. Liza Ong ang naghain ng kanyang certificate of candidacy dahil sa sumailalim siya sa gamutan sa Singapore.
Samantala, nagsimula na ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups noong Martes hanggang May 10, 2025.
Ang campaign period naman para sa mga kandidato sa Kamara at provincial, city at municipal elections ay magsisimula sa March 28 hanggang May 10.
Ang araw naman ng halalan ay sa May 12, subalit maaaring bumoto ang overseas voters mula April 13 hanggang May 12, habang ang local absentee voting ay mula April 28 hanggang 30.