Nagsagawa ng site visit ang world food program at National Resource and Logistics Management Bureau- ng DSWD, dito sa probinsya ng Cagayan upang suriin ang mga posibleng lokasyon para sa itatayong Regional Production Hub Facility.
Layunin ng pasilidad na maging sentro ng operasyon ng DSWD Field Office 2 upang mapabuti ang kahandaan, pagtugon, at rehabilitasyon ng rehiyon sa harap ng mga sakuna.
Ang plano para sa pasilidad ay bahagi ng tugon matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa Cagayan Valley noong ikalawang kalahati ng 2024, na nagdulot ng matinding pagbaha, landslides, at malawakang pinsala sa mga komunidad.
Sinurin ng world food program team ang mga pangunahing lokasyon tulad ng Cagayan Valley Regional Rehabilitation Center (CVRRCY) sa Enrile, Lal-lo International Airport sa Lal-lo, at San Vicente Port at CEZA Corporation Center sa Sta. Ana, Cagayan para sa kanilang estratehikong plano sa pagsuporta sa disaster risk management at response operations ng rehiyon.
Ang itatayong Regional Production Hub Facility ay inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng DSWD sa pamamahagi ng tulong at pagpapabilis ng rehabilitasyon sa mga apektadong lugar sa panahon ng sakuna.