Muling makikita ng publiko si Vishwa Ma’ali, ang elepanteng dating pangunahing atraksyon sa Manila Zoo, matapos itong isailalim sa taxidermy at ilagay sa National Museum of Natural History.

Namatay si Ma’ali noong Nobyembre 2023 sa edad na mahigit 40 dahil sa congestive heart failure. Dumating siya sa Pilipinas noong 1970s, isang taong gulang pa lamang, bilang regalo ng pamahalaan ng Sri Lanka sa mga batang Pilipino.

Ayon sa PETA Asia, dapat magsilbing paalala ang pagkakalagay kay Ma’ali sa museo na walang elepanteng kailangang mamatay sa pagkakakulong nang hindi nabibigyan ng pagkakataong mamuhay kasama ang kapwa nito elepante.

Libre ang pagbisita kay Ma’ali sa National Museum of Natural History mula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, araw-araw.