
Nanawagan si China President Xi Jinping na igalang ang international rule of law upang makamit ang kapayapaan at katatagan sa Middle East, kasabay ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Ginawa niya ang pahayag sa pakikipagpulong kay Crown Prince of Abu Dhabi Sheikh Khaled bin Mohamed bin Zayed Al Nahyan, kung saan iginiit niyang hindi dapat ginagamit lamang ang batas kapag pabor at isinasantabi kapag hindi.
Ang pahayag ay itinuturing na kritisismo sa kampanya ng United States at Israel laban sa Iran.
Patuloy ang tensyon sa rehiyon matapos mabigo ang negosasyon sa pagitan ng US at Iran upang wakasan ang labanan. Bilang tugon, isinara ng Iran ang Strait of Hormuz sa ilang bansa at nagsagawa ng mga pag-atake sa energy facilities sa Gulf.
Samantala, ipinahayag din ni Xi ang kahandaan ng China na palakasin ang ugnayan nito sa United Arab Emirates sa larangan ng ekonomiya, enerhiya, at teknolohiya.
Kasabay nito, inaasahan ang mas pinalawak na kalakalan at kooperasyon sa pagitan ng China at mga bansang Arab, kabilang ang planong free trade agreement sa Gulf Cooperation Council.










