TUGUEGARAO CITY-Hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang publiko na ipagdiwang ang Araw ng mga Puso sa pamamagitan ng pagyakap sa mga puno upang isulong ang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR-RO2 na ang tree-hugging campaign na isinusulong ng Forest Management Bureau ay naglalayong isulong ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kagubatan at ang benepisyo na makukuha ng tao sa pagyakap ng mga punong-kahoy.

Bukod dito ay layunin din nito na itaas ang kamalayan ng publiko sa climate change at bilang alternatibong paraan ng pagdiriwang ng Valentines Day sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagmamahal at pangangalaga sa kapaligiran.

Sinabi ni Bambalan na isasagawa rin ang tree hugging activity ng mga tauhan ng DENR bilang pag-obserba ngayong Araw ng mga Puso.

Kaugnay nito ay maaaring isumite ang mga larawan ng pagyakap sa mga puno upang manalo ng pa-premyo.

-- ADVERTISEMENT --

Bisitahin lang ang DENR Forest Management Bureau facebook page para sa karagdagang detalye.

Nagsimula ang tree hugging movement sa Northern India noong 1970s na isang mahalagang aksyon tungo sa pangangalaga sa kalikasan.

Samantala, ngayong Pebrero 14 ay magkakaroon din ng paglilinis sa Regional Government Center at pagtatanim ng mga indigenous trees.