
Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na matatanggap ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang year-end bonus at P5,000 cash gift sa unang payroll ng Nobyembre 2025.
Batay sa Budget Circular No. 2024-3, ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng empleyado bilang ng Oktubre 31, habang ang cash gift ay nakatakdang P5,000.
Aabot sa P63.69 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, at P9.24 bilyon naman para sa cash gift, na sasaklaw sa mahigit 1.85 milyong kawani ng pamahalaan sa buong bansa.
Tiniyak ng DBM na ang mga pondo para sa mga benepisyong ito ay naipamahagi na sa mga ahensya sa simula pa lamang ng taon upang matiyak ang maagap na pagproseso at paglalabas ng mga ito.
Karapat-dapat sa naturang benepisyo ang mga empleyadong nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan mula Enero 1 at nananatili sa serbisyo hanggang Oktubre 31.
Pinaalalahanan din ng DBM ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na tiyaking maipamahagi agad ang bonus at cash gift alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa badyet.
		
			









