TUGUEGARAO CITY- Muling ilulunsad ng Department of Agriculture Region 2 ang Young Farmers Challenge program ngayong taon.

Sinabi ni Edwin Dela Rosa, focal person ng programa na ito ay sa ilalim ng Competitive Financial Grant Assistance Program ng ahensiya na may layunin na makahikayat ng mga kabataan na pumasok sa pagsasaka.

Ayon kay Dela Rosa, ito ay upang matiyak na may mga mananatiling mga magsasaka dahil batay sa pananaliksik, 57 ang average na edad ngayon ng mga magsasaka sa bansa at kung hindi ito matugunan ay kukulangin na ng mga magsasaka ang susunod na henerasyon.

Sinabi niya na ang mga maaaring sumali sa nasabing programa ay edad 18 hanggang 30.

Magsumite lamang ang mga ineteresado ng kanilang business proposal sa apat na level ng programa, sa production, processing, digital agriculture at supply chain business solution.

-- ADVERTISEMENT --

Kung maaaprubahan ito sa provincial level ay mabibigyan ang isang indibidual ng P50, 000 habang kung grupo na may miembro na dalawa hanggang lima ay makakatanggap ng P100, 000 na kanilang gagamitin sa kanilang agri- business.

Sinabi niya na magkakaroon din ng pitong awardee para sa regional level na makakatanggap ng P150, 000 at sila ay irerekomenda sa national level kung saan ay apat ang mapipili, isa sa bawat level para sa national competition.

Ang mga mananalo sa national level ay mabibigyan ng P300, 000 na cash reward.

Nitong 2021, naging national awardee si Jerimar Rafael ng San Mateo, Isabela sa kanyang three hour zero waste project.

Dito ay gumagamit ng dayami si Rafael sa kanyang mushroom production at ang mga pinag-anihan ng mga kabute ay ginagamit naman niyang pataba sa kanyang mga pananim na gulay at ang mga seedlings ay kanyang ibinebenta.

Nakatanggap ng P500, 000 na cash reward si Rafael.