
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto sa Prague ng dating Ako Bicol party-list Representative na si Zaldy Co, isa sa mga itinuturong sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon sa Pangulo, naaresto si Co matapos pumasok sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon. Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa Czech government para sa kanyang agarang pagbabalik sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nakikipag-ugnayan na sila sa international counterparts upang beripikahin ang detalye ng pagkakaaresto, habang wala pang opisyal na impormasyon ang Department of Foreign Affairs.
Si Co ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y substandard na P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Lumabas din sa pagdinig na umano’y nakatanggap siya ng P802 milyon mula sa contractor na Sunwest Construction sa kabila ng pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng business interest.
Nauna nang idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang fugitive from justice matapos hindi humarap sa mga kaso laban sa kanya.










