
Handa umano si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na maging testigo sa impeachment case na ihahain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Mike Defensor na handa si Co na tumestigo para mapalakas ang ihahain nilang impeachment complaint.
Kabilang sa mga batayan ng kanilang reklamo ang mga usapin may kaugnayan sa pambansang budget at maging ang detention ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court na itinuturing nilang kidnapping.
Una rito, inakusahan ni Co si Marcos at dating Speaker Martin Romualdez na tumanggap ng bilyong-bilyong piso na kickbacks sa inilabas niyang mga videos.
Gayunman, sinabi ni Defensor na tetestigo si Co sa pamamagitan ng teleconference, dahil ito ay nasa labas ng bansa na unang sinabi ng Department of Interior and Local Government na siya ay nasa Lisbon, Portugal.
Sinabi ni Defensor na muli nilang ihahain ang kanilang impeachment complaint matapos na hindi ito tinanggap noong Huwebes ni executive director Jose Marmoi Salonga ng Office of the Secretary General (OSG) ng Kamara, dahil wala ang kanilang hepe na si Cheloy Garafil na nasa ibang bansa.
Kasama ni Defensor sa nasabing impeachment complaint sina dating Congressman Jacinto Paras, dating Ilocos Sur governor Chavit Singson, mga abogado na sina Ferdinand Topacio, Manuelito Luna at Harold Respicio, at vlogger Mary Catherine Binag.









