
Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na lumiliit na ang mundo ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sinabi ito ni Lacson dahil maaaring isyuhan ng warrant ng Senado si Co bunsod ng hindi pagsipot sa mga hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng flood control scandal.
Sa loob ng anim na buwan, hindi na rin umano makakapaghain ng petisyon si Co sa Pilipinas kung patuloy itong mananatili sa Portugal.
Kamakailan lamang ay nagpetisyon sa Supreme Court (SC) si Co upang kuwestiyunin ang resolusyon ng Ombudsman na siyang naging basehan sa paglalabas ng warrant of arrest ng Sandiganbayan laban sa dating mambabatas.
Aniya, magagamit din ng gobyerno ang fugitive disentitlement doctrine na ipinairal lamang noong Nobyembre 2025 dahil hindi na makakapagsampa ng pleadings si Co sa kanyang mga kaso kung mananatili siya sa abroad sa susunod na anim na buwan.
Binanggit pa ni Lacson na noong siya ay nagtago noong Arroyo administration, hindi pa umiiral ang nasabing doktrina kaya nakakapag-file siya sa kanyang kaso kahit nasa abroad hanggang siya ay maabsuwelto sa Dacer-Corbito double murder case.










