
Nagtungo umano si dating House appropriations committee chairperson Zaldy Co sa Stockholm, Sweden noong Enero 15 base sa apostille na kasama sa petisyon na inihain sa Korte Suprema.
Ayon sa Department of Foreign Affairs ang apostille ay isang certificate na nagpapatunay sa pinanggalingan ng isang public document.
Sa kopya ng certiorari petition laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na inihain noong Enero 25, makikita na ang apostille ay personal na nilagdaan ni Co ang petisyon sa isang notary public sa bayan ng Nacka sa Stockholm, Sweden noong Enero 15.
Ang nasabing dokumento ay nilagdaan ni Co sa itinalagang notary public ng Stockholm County Administrative Board na si Beatrice Gustaffson.
Sinabi ni Gustaffson na naberipika niya ang pagkakakilanlan ng kliyente at ang lagda ay ginawa ng walang pamimilit.
Nilagdaan ni Co ang verification and certification ng non-forum shopping na kasama sa petisyon sa Korte Suprema.
Ang nasabing impormasyon sa kinaroroonan ni Co noong Enero 15 ay taliwas sa pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla noong Enero 22 na nakita ng pamahalaan si Co sa isang gated community sa Lisbon, Portugal.
May warrant of arrest si Co mula sa Sandiganbayan sa mga kasong malversation at graft na inihain ng Ombudsman noong Nobyembre may kaugnayan sa P289 million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.









