Posible na wala na sa hurisdiksyon ng Czech Republic si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida sa mga mamamahayag sa Prague.

Nang tanungin kung ano ang garantiya ng panig ng Pilipinas na mananatili si Co sa hurisdiksyon ng Czech Republic, sinabi ni Vida, na wala itong garantiya at kailangan na igalang ang kanilang batas.

Idinagdag pa niya na posibleng nakalabas na si Co sa Czech Republic.

Si Co, na nahaharap sa mga kasong korapsyon at malversation na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control, ay iniulat na inilagay sa immigration detention ng mga awtoridad ng Czech.

Sinabi ni Vida na inaayos pa ang mga pulong sa mga opisyal ng Czech, partikular sa kanilang mga counterpart sa Ministry of Justice, upang mapatunayan ang impormasyon ng mga awtoridad ng Pilipinas tungkol sa detention ni Co at alamin ang mga paraan kung paano siya maibabalik sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin niya na igagalang ng Pilipinas ang mga proseso ng Czech Republic at ng European Union sa paghawak ng kaso.

Ayon pa kay Vida, isa sa layunin ng delegasyon ay alamin kung paano maibabalik si Co sa Pilipinas.

Kinumpirma rin niya na wala pang inilalabas na red notice ang Interpol laban kay Co.

Dagdag niya, may mga karagdagang dokumentong dinadala ang isang grupo upang suportahan ang aplikasyon para sa red notice.