Ipinanawagan ni House Assistant Majority Leader at Zambales First District Representative Jefferson Khonghun ang imbestigasyon sa umano’y pagkabigo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na magkaloob ng sapat na bangka at iba pang suporta sa mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Tugon ito ni Khonghun sa dumaraming reklamo ng fishing community hinggil sa kaunting tulong na natatanggap nila mula sa BFAR kumpara sa aktwal na pangangailangan upang mapanatili ang kabuhayan.

Ayon sa kongresista, mahalagang solusyunan ang mga nakikitang kakulangan sa suporta sa mga mangingisda dahil karapat-dapat silang bigyan ng pinaka-angkop na resources upang maitaguyod ang pambansang interes sa pinag-aagawang karagatan.

Binigyang-diin din nito na kailangang busisiin at pag-aralan ang pag-realign o paglilipat sa pondo ng BFAR sa paparating na budget season para sa 2025.

Sa pamamagitan aniya ng pag-reevaluate at paglilipat ng alokasyon ay magagarantiyang bawat piso ay direktang nagpapabuti sa kondisyon ng mga mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --