Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address ang pagpapatupad ng zero balance billing sa lahat ng ospital ng Department of Health (DOH), na nangangahulugang wala nang babayaran ang mga pasyente para sa basic accommodation.

Ayon sa Pangulo, sagot na ng PhilHealth at iba’t ibang pondo ng pamahalaan ang kabuuang gastusin sa ospital, kaya’t hindi na kailangang pumila o lumapit pa sa iba’t ibang tanggapan para makakuha ng tulong.

Kasabay nito, pinalawak ng pamahalaan ang mga serbisyong sakop ng PhilHealth. Libre na ang dialysis ng tatlong beses kada linggo, pati na rin ang mga kaukulang gamot.

Ang coverage para sa kidney transplant ay tinaas mula ₱600,000 tungo sa ₱2.1 milyon, at ngayong taon ay kasama na rin ang post-transplant care.

Sa mga batang may malubhang dengue, itinaas ang PhilHealth assistance sa ₱47,000, habang ₱187,000 naman ang sagot para sa mga pasyenteng kailangang sumailalim sa operasyon sa katarata.

-- ADVERTISEMENT --

Pinalawak din ang mga outpatient services ng PhilHealth. Sakop na nito ang emergency treatment, eye checkup para sa mga batang lumalabo ang mata, at pagpapagamot sa malnutrisyon.

Para sa mga Persons with Disabilities (PWD), covered na rin ang therapy, rehabilitasyon, at mga assistive devices.

May nakalaang pondo ring ₱1.7 bilyon para sa mga gamot sa kanser na hindi pa sakop ng PhilHealth, bukod pa sa Cancer Assistance Fund at libreng bakuna kontra human papilloma virus.

Dagdag pa rito, pinadadali na rin ang pagkuha ng medical assistance sa pamamagitan ng integrasyon nito sa eGov app.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, higit 11.5 milyong Pilipino na ang nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng Medical Assistance Program.

Tiniyak ng Pangulo na patuloy na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang masigurong makapagpagaling at makabalik sa sigla ang bawat Pilipino.