Tuguegarao City- Kinumpirma ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na wala ng kaso ng “probable, suspect at confirmed” patients ang nasa kanilang pangangalaga.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, na sa kasalukuyan ay negatibo na sa sintomas ng sakit ang lahat ng mga pasyenteng nasa naturang pagamutan.
Aniya, malaki ang naitulong ng pagkakaroon ng testing center ng DOH region 2 upang mapabilis ang paghihintay sa resulta ng swab test ng mga pasyente.
Ayon sa kanya, bagamat negatibo na ang mga pasyente ay nananatili pa rin sila sa pagamutan dahil minimonitor pa ang iba nilang karamdaman sa puso, kidney at hypertension.
Tiniyak naman nito na patuloy ang kahandaan ng kanilang tanggapan upang tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente laban sa banta ng COVID-19.
Samantala, ipinasiguro naman ni Dr. Baggao ang kahandaan ng CVMC sa pagtulong lalo na sa pagdating ng mga nais umuwi ng lalawigan na mula sa mga lugar na apektado ng COVID-19.