Walang kahit isa man na naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City nitong weekend.
Ayon kay City Health Officer Dr. James Guzman, sa kauna-unahang pagkakataon ay zero new case ang Lungsod nitong Linggo habang anim naman ang mga naitalang bagong recoveries.
Kaugnay nito, nasa 60 na lamang ang aktibong kaso ng sakit sa lungsod mula sa kabuuang 18,662 na mga naitalang kumpirmadong kaso.
Batay sa datos ng CHO, nasa labing-siyam na lamang ang naka-home quarantine, labind-dalawa ang granular lockdown, dalawa sa demo-van quarantine facility at dalawamput-apat sa tatlong ospital ng lungsod.
Isa sa nakikitang dahilan ng pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases sa lungsod ay ang isinasagawang malawakang pagbabakuna, kasama ang 5-11 years old.
Bihira na rin aniya ang local transmission sa mga bahay dahil marami na ang nabakunahan, subalit ikinabahala ni Guzman ang mataas na mortality rates sa mga Senior Citizen lalo na sa mga unvaccinated.
Ayon kay Guzman, mahalagang mabakunahan ang mga nalalabi pang senior citizen dahil kabilang sila sa may pinakamataas na risk na tamaan ng severe COVID- 19.
Nanawagan rin siya sa publiko na huwag ipagsawalang bahala ang simpleng sipon at lagnat na sintomas ng COVID-19 na agad mag-isolate upang hindi na makahawa sa mga kasama sa bahay o labas na hindi pa nababakunahan.