
Kumpirmado ng Bureau of Immigration (BI) na wala pa rin sa Pilipinas si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, batay sa pinakahuling tala ng kanyang travel records.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng updated Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) mula sa Department of Justice kaugnay ng kontrobersya sa flood control projects.
Ayon sa BI, wala silang nakitang kamakailang rekord ng pagdating ni Co sa bansa.
Bagama’t bago pa lamang ibinigay ang nasabing ILBO listahan sa kanilang tanggapan, lumalabas sa inisyal na pagsusuri na hindi pa bumabalik ng bansa ang dating kongresista.
Patuloy namang iniimbestigahan ng ahensya ang iba pang personalidad na kasama sa bagong listahan upang matukoy kung sino ang nasa bansa pa.
Ayon sa BI, posible pa ring may mga indibidwal na dumaan sa mga backdoor entry points o hindi regular na ruta ng pagpasok o paglabas ng bansa.
Pinaalalahanan ng BI na ang ILBO ay para lamang sa monitoring at hindi katulad ng Hold Departure Order (HDO) na inilalabas ng korte.
Hangga’t walang bagong kautusan mula sa hukuman, hindi maaaring hadlangan ang pag-alis ng mga nasa listahan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Department of Justice kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa isyu.