
Suportado ng Department of Agriculture ang pag-apruba ng National Price Coordinating Council (NPCC) sa ₱50 kada kilo na price cap para sa imported rice, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay DA spokesperson Arnel De Mesa, nagpapasalamat ang ahensya sa mabilis na aksyon ng NPCC batay sa kanilang rekomendasyon. Hinihintay na lamang ang opisyal na Executive Order para maipatupad ang price ceiling sa 5% broken imported rice.
Saklaw din ng ilalabas na kautusan ang mga parusa laban sa mga lalabag sa itinakdang presyo.
Tiniyak ng DA na “kaya” o feasible ang ₱50/kg cap batay sa kasalukuyang gastos sa pag-angkat at transportasyon, ngunit maaari pa itong baguhin depende sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa monitoring ng DA, nasa ₱55 hanggang ₱63 kada kilo ang imported premium rice sa Metro Manila, habang ang well-milled ay ₱45 hanggang ₱50, at regular-milled ay ₱42 hanggang ₱45.
Layunin ng hakbang na maprotektahan ang mga mamimili laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.










