Dead on the spot ang isang rider nang bumangga sa isang wing van truck ang kanyang motorsiklo sa Iguig, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Hartry Rendon, 36-anyos ng Malacabibi, Solana habang sugatan naman ang kanyang backrider na si Vincent Taguinod ng Brgy Sampaguita, Solana.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PSSG Fernan Burac, imbestigador ng PNP-Iguig, nangyari ang aksidente alas 11:00 ng gabi noong Linggo sa madilim na bahagi ng Maharlika Highway sa Brgy Bayo.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Burac na ang trak na minamaneho ng suspek na si Dario Natividad, Jr., 61-anyos ng Brgy. Buyun, Sta. Teresita, Cagayan ay papuntang Nueva Vizcaya para mamili ng gulay, kasama ng tatlong iba pang pasahero na nagsiksikan sa drivers seat.

Papunta naman sa bayan ng Gattaran ang mga biktimang lulan ng motorsiklo nang sumalpok sa trak sa gitna ng 4-lane na lansangan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Burac na sumalpok sa trak ang ulo ng driver ng motorsiklo habang tumilapon naman sa lansangan ang angkas nito na kapwa walang suot na helmet.

Sa ngayon ay naisampa na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa suspek.

Samantala, sinabi ni Burac na makikipag-ugnayan ang pulisya sa mga Brgy officials sa naturang lugar para sa paglalagay ng street lights o pailaw at maging ng mga road signages dahil ito ay accident prone area.