Nasawi ang isang 15-anyos na estudyante habang dalawa pa ang sugatan sa isang aksidente sa Floridablanca, Pampanga, na nag-ugat umano sa isang hamunan sa social media.

Batay sa imbestigasyon ng Floridablanca Municipal Police Station, nagsimula ang insidente matapos magpalitan ng maaanghang na mensahe sa social media ang pangunahing suspek na si “Jose,” 24-anyos na mekaniko mula Barangay Calantas, at isa sa mga biktima. Nauwi ito sa hamunan ng suntukan na dapat sanang mangyari sa hangganan ng Barangay Calantas dakong alas-10 ng gabi noong Oktubre 23.

Sa halip na harapang laban, sinasabing nag-abang na sa lugar ang suspek kasama ang ilang kasamahan. Ayon sa CCTV footage, itinapon umano ni Jose ang isang bote ng alak sa sinasakyang motorsiklo ng mga biktima, dahilan upang mawalan ng kontrol ang tsuper at bumangga sa bakod.

Agad na dinala sa Romana Pangan District Hospital ang tatlong biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang 15-anyos na rider. Isa sa mga sugatan ay inilipat sa JBL Memorial Hospital habang ang isa ay patuloy na ginagamot.

Naaresto na ng pulisya si Jose at nahaharap sa kasong murder at dalawang bilang ng frustrated murder. Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa tatlo pang kasabwat na tumakas matapos ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --