TUGUEGARAO CITY-Patay ang isang lalaki habang sugatan ang dalawang kasamahan nito matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa bayan ng Lal-lo.

Kinilala ang namatay na biktima na si Florante Cristobal habang ang mga sugatan ay sina Fely Irigayen at Crestly Oli pawang residente ng Brgy Catugan, Lallo.

Ayon kay Police master sergeant Rizal Clemente ng PNP-Lal-lo, pauwi na umano ang mga biktima mula sa kanilang trabaho lulan ng elf truck ng kanilang makasalubong at muntik mabangga ang isang tricycle na lulan naman ang suspek.

Ang buong akala umano ng driver ng elf maging ang anim nitong sakay na wala lang iyon sa suspek.

Nang marating ng mga biktima ang Brgy Sta Maria ay tumigil ang elf dahil umihi ang isa nitong sakay.

-- ADVERTISEMENT --

Lingid naman sa kaalaman ng mga biktima na sinundan sila ng suspek ,at nang maabutan sila sa nasabing lugar ay dito na pinagbabaril ng suspek ang mga biktima.

Nakatakbo naman ang tatlo pang kasamahan ng mga biktima na ngayon ay kinukuhanan na ng pahayag.

Nagtamo ng tama ng baril si Cristobal sakanyang dibdib na dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang tinamaan naman sa panga si Irigayen at sa likod naman si Oli.

Agad namang tumakas ang suspek kasama ang kanyang isa pang kasamahan na hindi rin nakilala matapos ang pamamaril.

Narekober naman sa crime scene ang apat na basyo ng calibre 45.