TUGUEGARAO CITY-Nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga ang isang van driver kasabay ng simultaneous “‘Oplan Undaspot’ o ang surprise drug test ng philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Louella Tomas, Information Officer ng PDEA-Region 2, mayroong kabuuang bilang na 307 drivers at ilang empleyado ng bus station ang sumailalim sa drug test na isinagawa dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Aniya, mula sa nasabing bilang, 85 dito ay bus driver, 34 na konduktor, sampu na kanilang employees, siyam na tricycle divers at 169 na van drivers.
Kaugnay nito,agad na kinumpiska ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng hindi na pinangalanang driver at inirekomenda ng PDEA na boluntaryo nang sumuko sa Philippine National Police (PNP)para sumailalim sa rehabilitation.
Bagamat aminado ang nasabing driver na siya ay gumagamit ng illegal droga,sinabi ni Tomas na ipapadala pa rin ng kanilang hanay ang urine sample ng driver sa kanilang national head quarters para sa confirmatory test para hindi maging kwestyonable ang resulta ng kanilang drug test.
Bukod dito, nagsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad ang PDEA sa Lal-lo international airport kung saan negatibo ang lahat ng empleyado nito sa paggamit ng illegal na droga.
Layon ng nasabing aktibidad na masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero lalo na ngayon at papalapit na ang pista ng mga patay o mga holiday kung saan marami ang mga byahero na uuwi sakani-kanilang mga lugar.