Inaresto ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa United Arab Emirates matapos umanong mag-post ng mga video ng missile attacks sa social media, ayon sa mga awtoridad.

Kasunod nito, nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa lahat ng OFWs na mahigpit na sumunod sa mga batas ng kanilang host country, partikular sa pagbabahagi ng online content kaugnay ng kasalukuyang tensyon sa Middle East.

Ayon kay Hans Leo Cacdac, mahalagang igalang ng mga OFW ang umiiral na security protocols upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Nauna nang sinabi ng UAE Attorney General’s Office na 25 indibidwal mula sa iba’t ibang bansa ang nahaharap sa “expedited trial” dahil sa pag-post ng mga imahe ng kaguluhan, na maaaring magdulot ng takot sa publiko at maglantad ng sensitibong impormasyon.

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa UAE na dalawa sa mga naaresto ay OFWs.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng UAE at humiling na ng consular access upang mabigyan ng tulong ang mga ito.

Samantala, tiniyak ng DMW na nagbibigay ang pamahalaan ng legal assistance sa mga apektadong OFWs at nakipag-ugnayan na rin sa kanilang mga pamilya.

Muling pinaalalahanan ang mga OFW na maging maingat sa paggamit ng social media, kabilang ang pag-post ng mga larawan, video, at maging AI-generated content, lalo na sa gitna ng umiiral na sigalot sa rehiyon.