
Inaresto ng pulisya ang 10 sa 18 dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co matapos mabigong makapagpiyansa sa kinakaharap nilang apat na bilang ng kasong perjury. Ang grupo, na tinaguriang “Maleta Boys,” ay nasangkot sa mga reklamong may kaugnayan sa kanilang mga alegasyon ng paghahatid umano ng mga maleta ng salapi sa ilang personalidad.
Sa 14 na natitirang miyembro ng grupo matapos ang pag-urong ng apat sa kanilang mga salaysay, 11 ang hindi agad nakapagpiyansa nang maglabas ng warrant of arrest ang korte. Tatlo lamang ang nakapagpiyansa, habang 10 ang inaresto at dinala sa Las Piñas City Police Station. Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng isa pang miyembro ng grupo.
Samantala, sinabi ni abogado Levito Baligod na sinubukan nilang makapagpiyansa sa korte ng Las Piñas ngunit hindi umano ito agad naiproseso. Nilinaw rin niyang hindi na siya ang abogado ng apat na dating bodyguard na umatras sa kanilang mga naunang salaysay.










