Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na pamamaril sa isang burol sa Sitio Dump Site, Barangay Bado Dangwa, Tabuk City, Kalinga noong Sabado na ikinasugat ng dalawang katao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Major Ruff Manganip, tagapagsalita ng PNP Kalinga, na stable na ang kondisyon ng dalawang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa hita at kamay.

Ayon kay Manganip, away sa lupa o land dispute ang tinitingnang motibo sa insidente, partikular ang pinag-aagawang lupain na may lawak na 11 ektarya.

Batay sa paunang imbestigasyon, tumutol umano ang mga suspek na ilibing sa naturang lupain ang isang matandang babae na namatay at kabilang sa kanilang katunggali sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa.

Dahil dito, nauwi sa pamamaril ang insidente habang isinasagawa ang burol.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober naman sa pinangyarihan ang iba’t ibang basyo ng bala mula sa mga high-powered firearms particular ang M16 na kasalukuyang sinusuri ng Provincial Forensic Unit ng PNP Kalinga.

Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek upang mapanagot ang mga nasa likod ng pamamaril.

Samantala, hindi na itinuloy ang burol ng matanda sa pinag-aagawang lupain.

Sa halip, inilipat ito sa loob ng compound ng kanilang bahay at doon na rin inilibing.

Binigyang-diin naman ni Manganip na walang kaugnayan ang insidente sa tensiyon sa pagitan ng tribong Tulgao at Butbut sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.

Nilinaw niyang away sa lupa ang pangunahing anggulong iniimbestigahan at hindi ito bahagi ng anumang sigalot sa pagitan ng dalawang tribo.

Inaalam pa rin aniya kung saang tribo kabilang ang mga suspek, dahil posible umanong may iba pang indibidwal na may alitan sa mga biktima na kabilang sa tribong Naneng ng Tabuk City.

Dahil dito, umapela ang PNP Kalinga sa magkabilang panig na manatiling mahinahon at huwag gumawa ng anumang hakbang na maaaring magpalala sa sitwasyon.

Hinimok din ang mga ito na hintayin ang desisyon ng korte sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa, lalo’t nakasampa na ang kaso matapos mabigong maresolba sa pamamagitan ng pag-uusap ang sigalot.

Giit ng pulisya, mahalagang pairalin ang kahinahunan at huwag hayaang lumawak ang alitan, lalo’t posibleng magkakaibang tribo ang kinabibilangan ng mga sangkot.