TUGUEGARAO CITY-Umabot sa siyam na depektibong timbangan ang nakumpiska ng Municipal Treasurery Office ng Iguig sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry(DTI)-Cagayan.
Ayon kay Mar Allan ng DTI-Cagayan, sumulat si Vice Mayor Judithas Trinidad ng Iguig sa kanilang tanggapan para magsagawa ng surprise inspection dahil sa agam agam ng mga mamimili na gumagamit ng depektibong timbangan ang ilang negosyante sa kanilang palengke.
Agad namang pinangunahan ng DTI at Treasury office ang surprised inspection na nagresulta nang pagkakakumpiska ng siyam na mechanical na kilohan at isang digital.
Ayon kay Allan, nasa kabuuang 81 timbangan ang kanilang ininspeksyon sa pamilihang bayan ng Iguig.
Aniya, karamihan umano sa mga negosyanteng nakumpiskahan ng mga depektibong kiluhan ay mula sa ibang lugar at nag-iikot lamang sa iba’t-ibang bayan para magbenta.
Kaugnay nito,sinabi ni Allan na bago kunin ng mga negosyante ang kanilang kiluhan ay pagmumultahin pa ang mga ito ngunit kung hindi na maaring gamitin ang timbangan ay hindi na ito muling ibabalik sa mga nagmamay-ari.
Sa kabila nito, naniniwala si Allan na hindi alam ng mga negosyante na ang kanilang mga timbangan ay may depektibo dahil maayos naman ang kanilang kilohan at walang bakas na ito’y dinaya.
Dahil dito, pinayuhan ni Allan ang mga negosyante na bago gamitin ang biniling timbangan, kailangan na munang ipa-check sa kanilang municipal treasury office para sa calibration.
Nauna rito, apat na kiluhan mula sa 50 weighing scale na isinailalim sa inspeksiyon sa pampublikong pamilihan ng Tuguegarao ang kinumpiska ng DTI at city treasury office.