Inaasahang aabot pa ng 10 taon ang natural gas na isinusuplay sa bansa ng Malampaya gas field sa Palawan.

Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na palalawigin pa ang drilling sa Malampaya at ang paggawad ng drilling contracts para sa tatlo pang balon ng gas matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Garin, sa ngayon ay nakikita ng mga eksperto ang magandang indikasyon ng pagkakaroon ng source ng natural gas sa Camago-3 at Malampaya East-1.

Hindi lamang aniya ito mararamdaman sa termino ng pangulo kundi hanggang sa mga susunod pang henerasyon at sa pangmatagalang suplay ng natural gas ng bansa.

Bago rin matapos ang 2025, ay malalaman pa kung may natural gas din ang ikatlong balon na Bagong Pag-asa-1.

-- ADVERTISEMENT --

Oras aniya na matukoy kung may natural gas ito, isang taon lamang ang kakailanganin para i-connect ito sa Malampaya platform, at makapagbibigay na ito ng dagdag na suplay ng kuryente sa bansa sa 2026.