Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si South Korean President Lee Jae Myung sa March 3 hanggang 4, bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang kauna-unahang pagbisita ni President Lee sa bansa at unang state visit mula nang maging epektibo ang Free Trade Agreement o FTA sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea noong December 31, 2024.

Pangungunahan nina Pangulong Marcos at First Lady Liza Marcos ang pagtanggap kay President Lee at First Lady Kim Hee Keon sa Malacañang sa March 3.

Inaasahang magkakaroon ng bilateral meeting ang dalawang lider upang talakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa defense, maritime, ekonomiya, development, at people-to-people ties.

Magpapalitan din sila ng pananaw hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng pagbisita ng South Korean leader ang ika-77 anniversary ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea.

Bago ito, nagkita na sina Pangulong Marcos at President Lee sa APEC Summit sa Gyeongju noong October 2025, habang pinagtibay na nila ang strategic partnership sa isang telephone call noong August 2025.