
Nawalan ng tirahan ang mahigit 100 na pamilya matapos masunog ang mga kabahayan sa Sitio Alaska, Barangay Mambaling, Cebu City kagabi, araw ng Linggo kasabay ng paggunita a Undas.
Sa tala ng Bureau of Fire Protection Cebu City, inakyat sa ika-tatlong alarma ang sunog kung saan apektado ang halos 63 na kabahayan at 128 na pamilya.
Ayon pa sa BFP, gawa sa mga light materials ang mga bahay kaya naman inabot rin ng mahigit isang oras bago ideklarang under control na ang sunog. Samantala, wala namang naitalang nasugatan sa sunog.
Ayon sa rekord ng barangay, apektado ang 513 na indibidwal, at umabot naman sa 1.5 million ang kabuuang pinsala sa ari-arian.
Inimbestigahan pa ng mga awtoridada kung ang hinihinalang naiwang nakasinding kandila ang naging dahilan ng sunog.
Kasalukuyan namang nananatili ang apektadong mga pamilya sa ilang barangay evacuation centers kung saan patuloy ang pagbibigay ng tulong ng lokal na pamahalaan.










