Umabot sa 1,326,800 ang bilang ng mga bumisita sa Manila North Cemetery nitong Nobyembre 1, batay sa tala hanggang alas-7 ng gabi.

Mas mataas ito kumpara sa halos 1.2 milyon na naitala noong nakaraang taon, ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan.

Dahil patuloy pa ang pagdating ng mga bisita, pinalawig hanggang alas-9 ng gabi ang oras ng pagpasok sa sementeryo.

Wala namang naitalang malaking insidente, maliban sa isang bisitang nasugatan matapos mabagok at kinailangang dalhin sa ospital.

Samantala, 16 na batang nahiwalay sa kanilang mga magulang ang naitala, ngunit natagpuan at naibalik din sa kanilang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, muling pinaalalahanan ang publiko na lagyan ng name tag o wrist tag ang mga bata na may pangalan at contact number ng kanilang kasama upang madaling matukoy at maibalik sakaling mawala.

Mananatiling bukas ang Manila North Cemetery ngayong Nobyembre 2 simula alas-5 ng umaga, ngunit hindi pa rin papayagang makapasok ang mga sasakyan.