Nanawagan si Interior Secretary Juan Victor Remulla sa local government units na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran sa mga firecrackers at iba pang pyrotechnics kasabay ng ulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng 101 fireworks-related injuries (FWRIs) sa buong bansa sa loob lamang ng limang araw.

Sa memorandum, inatasan ni Remulla ang LGUs na magpasa ng mga ordinansa at iba pang regulasyon laban sa mga paputok na nakapaloob sa Executive Order No. 28 series of 2017.

Iginiit ni Remulla na isagawa ang paggamit ng mga paputok sa mga ligtas na lugar at sa community fireworks displays na nakakuha ng kaukulang permits.

Inatasan din niya ang mga LGUs na magsagawa ng information campaign sa panganib ng ipinagbabawal na mga paputok at ang paggamit ng mga baril, at ang panganib ng sunog dahil sa hindi tamang paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Ipinag-utos din niya sa Philippine National Police na magsagawa ng inspection at pagkumpiska, at pagsira sa mga iligal na mga paputok at palakasin ang police visibility sa mga matataong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Inilabas ni Remulla ang memorandum matapos na iulat ni Albert Domingo, tagapagsalita ng DOH at assistant secretary na 79 percent sa 101 na kaso ay dahil sa paggamit ng mga ipinagbabawal na mga paputok tulad ng “boga,” fivestar at piccolo.