
Patay ang 15 katao sa pagbagsak ng air force cargo plane ng Bolivia sa lungsod ng El Alto.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente nang palapag na ang eroplano sa El Alto International Airport mula sa lungsod ng Santa Cruz.
Sinabi ng air traffic control ng Bolivia na sumadsad sa runway ang eroplano at tinamaan ang ilang sasakyan sa katabing motorway ng paliparan.
Dahil dito pansamantalang isinara ang paliparan.
Kalaunan ay nakumpirma ng defense ministry ng bansa na ang bumagsak na eroplano ay ang kanilang C-130 hercules at may dala itong banknotes o papel na pera na dadalhin sana sa Bank of Bolivia.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing insidente.
Nagbabala ang defense ministry na walang purchasing power ang banknotes at ang pagkolekta at paggamit sa mga ito ay maituturing na isang krimen.





