Idineklara ng pamahalaan ng Bolivia ang state of emergency kasunod ng ilang linggong kaguluhan at malawakang protesta sa bansa na dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krisis sa pulitika.

Ayon kay Bolivian President Rodrigo Paz, ang hakbang ay ginawa upang maibalik ang kaayusan matapos ang serye ng kilos-protesta na nagdulot ng pagkaparalisa sa ilang lugar.

Kabilang sa mga nagpoprotesta ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Evo Morales na nananawagan ng pagbibitiw ni Paz.

Dahil sa mga blockade at pagsasara ng mga pangunahing kalsada, nagkaroon umano ng kakulangan sa pagkain, langis, at iba pang pangunahing suplay gaya ng gamot sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ng pangulo na inatasan na ang pulisya at militar upang tumulong sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ng pamahalaan, ang deklarasyon ng state of emergency ay kinakailangan upang tugunan ang mga kilos na anila ay isinagawa ng mga organisadong grupo na nagdudulot ng kaguluhan sa bansa.