
Ligtas na nailikas sa lungsod ng Van sa Turkey ang 11 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Iran sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, isinagawa ang paglilikas sa mga Pilipino sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga embahada ng Pilipinas as Tehran at Ankara, at nakatakda umanong makabalik sa Pilipinas sa mga susunod na araw.
Habang tiniyak din ng ahensya na patuloy nilang tinutulungan ang tinatayang 800 na Pilipinong kasalukuyang naninirahan sa Iran na nais makauwi ng bansa.
Kaugnay nito, pinayuhan ng DFA ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na agad makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng kanilang opisyal na hotline at social media channels.
Samantala, batay sa datos ng pamahalaan, may kabuuang 1979 na Pilipino sa siyam na bansa sa Middle East ang nais nang ma-repatriate kung saan pinakamarami sa kanila ay mula sa Kuwait na may 633 OFWs.
Gayunman, nananatiling sarado ang airspace sa ilang bahagi ng rehiyon dahil sa nagpapatuloy na digmaan.










