
Patay ang isang 12-anyos na babae matapos tamaan ng bala sa gitna ng operasyon ng pulisya laban sa isang armadong suspek sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA News Saksi, makikita sa video ang isang pulis na nakapuwesto sa gilid ng bahay habang may hawak na baril noong Sabado ng umaga.
Ayon sa mga residente, nagsigawan sila upang pakiusapan ang pulis na tumigil dahil may mga bata sa loob ng bahay na maaaring madamay. Sa kabila nito, nagpatuloy ang putukan hanggang sa mapuruhan ang 42-anyos na suspek, na kalaunan ay natagpuang patay sa damuhan.
Naunang rumesponde ang mga pulis sa ulat na nagpaputok umano ng baril ang suspek, ngunit tumakas ito kaya hinabol ng mga awtoridad.
Matapos ang insidente, natagpuan din ang batang babae na duguan sa loob ng bahay at may tama ng bala. Ayon sa kaniyang lola, tinamaan ito sa ulo at tumagos sa leeg.
Sinasabing niyakap ng biktima ang iba pang mas batang bata upang protektahan ang mga ito habang nagtatago sa ilalim ng higaan.
Dinala pa sa ospital ang bata ngunit binawian din ng buhay.
Ayon sa paunang impormasyon, hinihinalang bala mula sa baril ng suspek ang tumama sa biktima. Gayunman, kinukuwestiyon ng pamilya ang naging operasyon ng pulisya, lalo na ang pagpapatuloy ng pamamaril kahit may babala na may mga bata sa lugar.
Iginiit naman ng pulisya na ginawa nila ang kinakailangang aksyon para sa kaligtasan ng publiko. Nangako rin ang mga awtoridad na magsasagawa ng masusing imbestigasyon at rerebisahin ang kanilang mga protocol sa ganitong uri ng operasyon.









