Iniugnay ng isang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan ang umano’y P213 milyong commitment fees o kickback ni Senator Jinggoy Estrada sa mga proyektong pumping stations at solar street lights.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan, sinabi ni dating DPWH Bulacan First District Engineering Office engineer Carlo Rivera na nagmula umano ang bayad sa P355 milyong halaga ng pumping stations at P500 milyong solar street lights.

Ayon kay Rivera, inatasan umano siya ng dati niyang hepe na si Henry Alcantara na gumawa ng listahan ng mga proyekto para kay Estrada, kabilang ang pumping station na nagkakahalaga ng P300 milyon.

Nauna nang sinabi ni Alcantara na nakatanggap umano si Estrada ng 25 porsiyentong commitment fee sa bawat proyekto, ngunit hindi nito tinukoy ang mga proyektong pinagmulan ng naturang halaga.

Samantala, sinabi ng isa pang testigo na si Edrick San Diego na nagsilbi siyang driver ni Alcantara at inatasang maghatid ng mga kahon sa Diamond Hotel para kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo. Hindi umano niya alam kung ano ang nangyari sa mga kahon matapos itong maihatid.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang testimonya ni San Diego, sinabi ng prosekusyon na siya na ang huli nitong testigo. Binigyan naman ng Sandiganbayan ang prosekusyon ng 10 araw upang isumite ang pormal na listahan ng mga ebidensya.

Nahaharap si Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y flood control kickback scheme.