Labindalawang katao ang nasawi habang hindi bababa sa 10 iba pa ang nasugatan matapos maaksidente ang isang bus na may sakay na mga Polish tourist sa eastern Hungary nitong Linggo.

Ayon sa Hungarian police, nagtungo sa kanal at tumaob ang Polish-registered bus habang bumibiyahe sa M3 motorway patungong Nyiregyhaza, malapit sa bayan ng Mezokeresztes. Posibleng nakatulog umano ang driver kaya nangyari ang aksidente.

Batay sa ulat ng state news agency MTI, nasa 57 pasahero at dalawang driver ang sakay ng bus. Dinala sa ospital ang mga nasugatan habang nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng bus.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Polish President Karol Nawrocki sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente. Sinabi naman ni Polish Foreign Minister Radoslaw Sikorski na nakikipag-ugnayan na ang kanilang consular service sa Hungarian authorities para sa beripikadong impormasyon.

-- ADVERTISEMENT --