Iginiit ng isang eksperto sa batas na balido ang ginawang paghalal ng 12 senador sa mga bagong opisyal ng Senado, batay sa umiiral na jurisprudence at desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco.

Ayon kay Fr. Ranhilio Aquino, dean ng Graduate School of Law ng San Beda University, nasa isang “abnormal na sitwasyon” ang Senado matapos hindi makapagdaos ng sesyon sa loob ng dalawang magkasunod na araw dahil sa kawalan ng mga senador na kaalyado ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Sa isang pahayag, sinabi ni Aquino na sapat ang 12 senador upang makabuo ng quorum sa ilalim ng naturang kalagayan at maging batayan sa pagpili ng bagong Senate President Pro Tempore.

Ipinaliwanag niya na kung 12 senador ang nagpahayag ng suporta sa isang Senate President Pro Tempore habang 11 lamang ang nananatiling sumusuporta kay Cayetano, malinaw na nakapagpasya na ang mayorya ng mga senador sa usaping pampulitika.

Binanggit din ni Aquino na maaaring ikonsiderang hindi kayang gampanan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang kanyang tungkulin bilang senador dahil sa umiiral na warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC), at sa kanyang kasalukuyang sitwasyon na aniya’y lampas sa kapangyarihan ng Senado upang piliting dumalo sa sesyon.

-- ADVERTISEMENT --

Tinukoy rin niya ang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco, kung saan kinilala ng hukuman na ang liderato ng Senado ay nakasalalay sa kagustuhan ng mayorya ng mga senador.

Noong Miyerkules, nagdaos ng sesyon ang 12 senador na kabilang sa dating minority bloc at inihalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore. Nagluklok din sila ng mga bagong chairperson ng ilang komite sa Senado.

Sa kabila nito, iginiit ni Cayetano na siya pa rin ang “lehitimo, legal at moral” na Senate President.