Kinumpirma ni Senador Sherwin Gatchalian na muling magbubukas ang sesyon ng Senado ngayong Lunes, Hunyo 15.

Ayon sa senador, mananatiling ipatutupad sa Senado ang mahigpit na seguridad at no-visitor policy bunsod ng mga naiulat na banta sa seguridad na ipinabatid ng National Bureau of Investigation (NBI).

Noong Hunyo 9, naglabas si Gatchalian ng memorandum na nag-uutos ng pagpapatupad ng heightened security measures at preventive security protocols sa Senado.

Gayunman, hindi pa nilinaw ng tanggapan ni Gatchalian kung ano ang eksaktong layunin ng pagpupulong sa Hunyo 15, sa kabila ng nauna niyang pagdedeklara ng sine die adjournment ng Senado matapos siyang mahalal sa isang posisyon sa liderato ng kapulungan.

Samantala, naglabas din ng hiwalay na memorandum si Senador Alan Peter Cayetano na nagsasabing naka-adjourn sine die na rin ang Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na umiiral ang sigalot sa liderato ng Senado sa pagitan nina Gatchalian at Cayetano. Iginiit ni Cayetano na sapat na ang boto ng mayorya o 13 senador upang maging balido ang paghalal sa Senate President.

Dahil sa naunang pag-adjourn ng Senado noong Hunyo 3, hindi pa malinaw kung ang nakatakdang pagtitipon sa Hunyo 15 ay para sa organizational meeting, committee hearing, konsultasyon, impeachment proceedings, o iba pang espesyal na gawain ng Senado.