Isang 13-anyos na estudyante ang namaril sa isang paaralan sa lalawigan ng Kahramanmaras, Turkey nitong Miyerkules, na ikinamatay ng siyam katao at ikinasugat ng 13 iba pa.

Ayon kay Interior Minister Mustafa Ciftci, anim sa mga sugatan ang nasa intensive care at tatlo ang nasa kritikal na kondisyon. Batay sa ulat ng lokal na awtoridad na si Kahramanmaras Governor Mukerrem Unluer, pumasok sa paaralan ang estudyante na may dalang mga baril na hinihinalang pag-aari ng kanyang ama, na isang dating pulis.

Dalawang classroom ang pinasok ng suspek bago nagpaputok nang walang pinipili. Ayon sa mga awtoridad, posibleng nagpakamatay din ang estudyante matapos ang insidente, habang nasa kustodiya na rin ng pulisya ang kanyang ama.

Nauna rito, isa pang insidente ng pamamaril ang naganap sa Turkey isang araw bago ito, kung saan 16 katao ang nasugatan sa Siverek, Sanliurfa.

Dahil sa sunod-sunod na karahasan, nanawagan ang oposisyon na CHP leader Ozgur Ozel para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, kabilang ang dagdag na guwardiya, CCTV, at mas pinaigting na police presence.

-- ADVERTISEMENT --