
Nagsasagawa na ng pagtugis ang mga awtoridad sa mga suspek na nang-hold-up sa 13 babaeng masahista at hinalay pa ang dalawa sa mga ito sa Pasay City kaninang madaling araw.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente kaninang 12:55 a.m.
Sa imbestigasyon ng Pasay City Police Station, may dumating na dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo at pumasok sa establisimento, kung saan agad silang nagdeklara ng hold-up.
Tinangay ng mga suspek ang mga kagamitan ng 13 massage therapist at hinalay ang dalawa sa mga ito.
Nagsagawa na ng technical investigation sa crime scene at kumuha ng mga ebidensiya para sa forensic examnination ang Special District Forensics Unit.
Nagsagawa na rin ang tracker team ng Pasay City Police Station ng pagsusuri sa CCTV at backtracking at foretracking para matukoy ang ruta na dinaanan ng mga suspek.
Nakilala ng mga biktima ang isa sa mga suspek sa police e-rogue of suspects na ito ang nagnakaw at nanghalay sa kanila.
Ang nasabing suspek sa e-rogue ay kinilala ng pulisya na si alyas “Ashley,” 23-anyos, residente ng Pasay City.