
Nabuwag ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit at Bayombong PNP ang isang drug den sa Brgy. Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 katao, na kinabibilangan ng 9 menor de edad at pagkakakumpiska ng mahigit P30,000 na halaga ng hinihinalang shabu at marijuana, nitong gabi ng November 1.
Ayon kay PMAJ Manny Paul Pauid, hepe ng Bayombong PNP, ang pagkakahuli sa hindi na pinangalanang mga suspek na pawang mga residente sa naturang lugar ay batay sa impormasyon na nakalap ng mga awtoridad hinggil sa kahinahinalang transakyon ng mga kabataan sa naturang bahay.
Nakabili ang operatiba na nagpanggap na buyer ng hinihinalang shabu, kung saan nadatnan ang mga suspek na kasalukuyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Aabot naman sa 3.5 grams ng hinihinalang shabu at 2.5 grams ng marijuana ang narekober sa operasyon.
Sinabi ni Pauid, na pawang out of school youth ang mga suspek kung saan ang pinakabata ay nasa 13 anyos at magbabarkada, kasama ang dalawang babae.
Ipinatawag rin ang mga magulang ng mga menor de edad upang samahan silang isailalim sa drug test sa Santiago City na nahaharap pa rin sa kasong paglabag sa kasong RA 9165.









