
Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring hindi agad huhupa ang kaguluhan at tensyon sa Gitnang Silangan sa lalong madaling panahon.
Sa isang video message nitong Linggo, Marso 1, inihayag ng Pangulo na sa kanyang pagsusuri ay magpapatuloy pa ang digmaan, kaya naman nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mahigit 2.4 milyong Pilipino sa buong rehiyon.
Gayunpaman, tiniyak ng Pangulo na base sa ulat hanggang alas-9 ng umaga ngayong araw, wala pang natatanggap na report ng anumang casualty o nasaktang Pilipino sa gitna ng mga airstrike.
Ayon sa monitoring ng pamahalaan, ligtas na nakapunta sa mga bomb shelter ang mga kababayan natin at pinayuhang lumayo sa mga base militar ng Amerika upang makaiwas sa panganib.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni US President Donald Trump sa pagkamatay ng Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei, na sinundan naman ng mga ganting-salakay ng Iran Revolutionary Guards laban sa US Fifth Fleet sa Bahrain at iba pang base ng Amerika sa Gulf.
Sa kabila nito, tiniyak ni Marcos Jr. na tuloy-tuloy ang pagbabantay ng gobyerno upang matiyak na nasa mabuting kalagayan ang lahat ng mga OFW sa gitna ng nagbabagong sitwasyon.










